Inaclagan

Ang isang lugar o pook na ngayon ay kilala sa pangalang Barangay Inaclagan ay nakapaloob sa isang pangyayari na siyang naging dahilan upang magkaroon ng pangalan ang lugar na ito.

Sa salin-salin ng pahayag ng mga ninuno na ngayon ay kilala na sa pangalang Barangay Inaclangan. Isa lamang ang nakumpirma na talagang siyang dapat pagkunan ng ipapangalan sa lugar na ito.

Nang nakaraang panahon ang ilang mga naninirahan dito ay puro sa tabing-dagat nagtayo ng kanilang mga bahay, sapagkat sa dagat sila kumukuha ng kanilang ikabubuhay na yon ay ang mga iba’t-ibang uri ng yamang dagat. Maging sa kabundukan man at kapatagan ay mayaman din sa mga halaman kung kaya’t sagana sa pamumuhay ang mga naninirahan dito.

Kabilang sa mga naninirahan dito ay ang isang pamilya na may anak na dalaga. Masasabing kahanga-hanga at kaakit-akit ang angking kagandahan. Matangkad, mahaba ang buhok, makinis ang kutis, at kahalihalinang pagmasdan. Isang pagkakataon na nalibang siya sa pangunguha ng iba’t-ibang uri ng kabibi sa dalampasigan, napagnasaan siya ng dalawang pirata na nakakita sa kanya kung kaya’t siya ay ginapos upang dalhin sa kanilang kuta at gawing aliwan. Sa kabutihang palad, nagkaroon ng pagkakataon ang dalaga upang makatakas, nagtakbo siya sa kakahuyan upang magtago.

Sa di kalayuan, may mga dumarating na mga bagong salta na mga banyagang kastila na habang naglalakad ay nag-uusap at nagtatanung sa kanilang sarili kung ano ang pangalan ng lugar na iyon. Habang ang ina ng dalaga ay naghahanap sa kanya kung saan siya napunta at sa kanyang 

paghahanap napasabay siya sa dalawang kastila sa paglalakad ng siya ay tinanung kung ano ang pangalan ng lugar nila palibhasay hindi naiintindihan ang kanilang lenguahe wala siyang maisagot, ng biglang sulpot ng kanyang anak na ang sabi “ina kalagan mo ako”, na tatlong ulit itong binigkas, na ipinagpalagay ng mga banyagang kastila na yon din ang sagot sa kanilang katanungan. Ang dakong ito ay kinilalang baryo sa pangalang “ina kalagan mo ako”. Sa paglipas ng mga panahon ang dakong ito ay opisyal na tinawag na Barrio Inaclagan, at ngayon ito ay tinatawag sa pangalang Barangay Inaclagan.

Ang Barangay Inaclagan ay may layong 57 km mula sa Capitolyo ng Lalawigan ng Quezon-Lucena City at 7 km. naman ang layo mula sa Bayan ng Gumaca. Ito ay binabagtasan ng Nationall Highway may bulubundukin at may dagat ang Lamon Bay. Ito ay may lawak na sukat ng lupa na humigit kumulang sa 567.46 hectares. Ito rin ay may sariling patubig na nagsusuply sa buong pamayanan, may Health Center at may Recreation Facilities.

Ang Barangay Inaclagan ay may namuno na isang Punong Barangay na siyang nagbigay ng pinakamataas na antas sa barangay mula pa sa simula ng pamamahala at nagtamo ng pangatlong karangalan bilang “Best Performing Sangguniang Barangay” sa Lalawigan ng Quezon. Sa ngayon ang barangay ay larawan ng isang tahimik at payapang pamayanan sa Bayan ng Gumaca, isang umuunlad at kakikitaan ng isang pamayanang may pag-asa at ito’y dahil sa mga namumunong mga Brgy. Officials na buong sikap na tinutugunan ang mga pangako at pananagutang sa kanila’y nakaatang.

Government Links

Contact Us

  • unitLocal Government of Gumaca
  • phone(042) 317-6335 | (042) 317-7591 (8:00 - 17:00)
  • maillgugumaca@ymail.com
  • map J.P. Rizal St., Brgy. Pipisik, Gumaca, Quezon (4307)

Follow Us